Nagkasundo ang mayorya ng Senado na bago sumapit ang 2028 elections ay mauupo bilang kauna-unahang babaeng Senate President si Senator Loren Legarda.
Ito ang pahayag ni Senate Majority Leader Migz Zubiri matapos niyang linawin na hindi term-sharing ang napagkasunduan nina Senate President Tito Sotto III at Legarda, kundi isang kasunduan na inaasahang maisasakatuparan bago ang halalan sa 2028.
Ayon kay Zubiri, kumpiyansa siya sa kakayahan ni Legarda at itinuturing niya itong “very qualified” upang mamuno sa Senado, dahilan upang tawagin niya itong future Senate President.
Inaasahan aniya ang pagpapalit ng liderato kasabay ng paglipat ng Senado sa New Senate Building sa huling bahagi ng 2027.
Nagsimula umano ang usapan bilang isang biro habang magkakasama sila sa lounge noong suspendido ang sesyon, subalit sinang-ayunan ito ni Sotto at walang tumutol sa panukala.
Dagdag pa ni Zubiri, handa rin siyang isuko ang kanyang puwesto bilang majority leader at ipasa ito sa kanyang deputy na si Senator JV Ejercito kung kinakailangan.










