Humiling si dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. na mag-inhibit si Sandiganbayan Associate Justice Karl Miranda sa pagdinig ng kasong malversation na isinampa laban sa kanya kaugnay ng umano’y P92.8 milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Sa isang urgent motion na inihain ng kampo ni Revilla sa Third Division ng Sandiganbayan, iginiit nila na may conflict of interest si Miranda dahil ang kapatid nito ang abogado ni dating Department of Public Works and Highways Secretary Roberto Bernardo, na nagsilbing state witness at posibleng tutestigo laban sa dating senador.
Sa pagdinig nitong Lunes, Pebrero 9, sinabi ni Miranda na nauna na niyang idineklara ang naturang ugnayan at dumaan lamang sa regular na raffle ang pagtalaga ng kaso sa kanilang dibisyon.
Binigyang-diin din ng mahistrado na hindi kailanman nakaapekto sa kanyang paghusga ang personal na relasyon, at tiniyak niyang pag-aaralan at agad reresolbahin ang mosyon kung may dahilan para sa boluntaryong pag-inhibit.
Samantala, iginiit ng kampo ni Revilla na mahalaga ang appearance of impartiality sa hudikatura, habang tinawag naman ng prosekusyon ang mosyon bilang isang delaying tactic, bagay na mariing itinanggi ng depensa.











