--Ads--

Nilinaw ng aktres na si Ellen Adarna na wala nang namamagitan sa kanila ng dating karelasyon na si John Lloyd Cruz kundi ang pagiging magkaibigan at co-parents sa kanilang anak na si Elias.

Ito ay matapos mapansin ng ilang netizens ang sweet na social media post ni Ellen tungkol kay John Lloyd, na naging dahilan ng espekulasyong muling nahuhulog ang loob ng aktres sa dating nobyo.

Agad naman itong pinabulaanan ni Ellen at sinabing mas mabuti para sa kanilang dalawa na manatiling magkaibigan at magkaroon ng maayos na relasyon bilang mga magulang ni Elias.

Ayon pa kay Ellen, hindi rin siya kailanman siniraan ni John Lloyd matapos ang kanilang paghihiwalay at hindi ito nagsagawa ng anumang smear campaign laban sa kanya.

--Ads--

Samantala, muling pinuri ni Ellen ang aktor dahil sa pagiging hands-on at present na ama sa kanilang anak.

Matatandaang ibinahagi ni John Lloyd ang kanilang unang commercial ni Elias para sa isang brand ng gamot, kung saan tinawag niya ang anak na isa sa pinakamahalagang biyaya sa kanyang buhay.

Ibinahagi rin ito ni Ellen sa kanyang Instagram account at ipinahayag ang kasiyahan sa nakikitang pagiging maalaga at mapag-aruga ni John Lloyd kay Elias.

Ayon sa aktres, labis siyang natutuwa na nakikita rin niya sa kanilang anak ang ganitong uri ng pag-aalaga at pagmamahal.