--Ads--

Limang katao ang kumpirmadong nasawi matapos mahulog sa malalim na bangin ang isang police patrol vehicle sa Barangay Napangan, Misamis Occidental kahapon ng hapon, Pebrero 13.


Kinilala ng mga awtoridad na kabilang sa mga nasawi ang apat na pulis at isang empleyado ng Provincial Tourism Office.


Ang sasakyan ay isang Toyota Hilux na nakatalaga sa Misamis Occidental 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) at may lulang sampung indibidwal—pitong miyembro ng Philippine National Police at tatlong kawani ng turismo.


Batay sa paunang imbestigasyon, nagsisilbing security escort ang grupo para sa mga organizer ng Binibining Pilipinas na bumisita sa Lake Duminagat.

--Ads--


Habang binabagtas ang pababang bahagi ng kalsada sa Sitio Napangan, nawalan umano ng kontrol ang driver dahilan upang dumiretso ang sasakyan sa gilid ng kalsada at tuluyang mahulog sa bangin.


Dahil sa lakas ng impact, malubhang napinsala ang patrol vehicle.


Naging mahirap ang rescue operations dahil sa matarik na terrain at pabagu-bagong kondisyon ng panahon sa lugar. Sa tulong ng mga rumespondeng pulis at residente, agad na naisugod sa ospital ang limang iba pang sakay na nakaligtas ngunit nasa kritikal na kondisyon.


Sinisiyasat pa ng mga imbestigador kung may mechanical failure o problema sa preno ang sasakyan, lalo’t kilala ang naturang ruta sa pagiging delikado dahil sa matatarik at matutulis na kurbada.