Ikinababahala ng mga residente sa Barangay Labinab, Cauayan City ang kaligtasan ng mga motorista matapos maitala ang ilang aksidente sa binutasang bahagi ng bagong gawang kalsada na umano’y kulang sa warning lights at sapat na barikada.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Agatun Languban, residente ng nasabing barangay, sinabi nitong hindi agad napapansin ng mga motorista ang mga pansamantalang harang, lalo na sa gabi dahil sa kawalan ng sapat na ilaw at warning devices.
Nakaraang linggo lamang nang simulan ng mga awtoridad ang pagbubutas sa ilang bahagi ng kalsada na ilang buwan pa lamang naipagawa.
Batay sa nakuhang impormasyon ng Bombo News Team, hindi umano pumasa sa itinakdang pamantayan ang naturang bahagi matapos isailalim sa inspeksyon, dahilan upang bakbakin ito muli para sa kinakailangang pagpapatibay.
Lalong nagiging mapanganib ang lugar tuwing gabi dahil walang streetlights sa mismong bahagi ng binutasang kalsada. Tanging sa kabilang linya lamang mayroong ilaw kaya nananatiling madilim ang bahagi ng Labinab-Cauayan Bypass Road.
Dahil dito, ilang aksidente na umano ang naitala sa lugar nitong mga nagdaang araw.
Nananawagan naman ang mga residente sa mga kinauukulan at kontraktor na agad maglagay ng sapat na warning lights at malinaw na barikada upang mabigyang-babala ang mga motorista at maiwasan ang panibagong aksidente.











