--Ads--

Patuloy na pinapalakas ng Lokal na Pamahalaan ng Santiago City ang kampanya nito sa pangangalaga ng kalikasan sa pamamagitan ng mas aktibong partisipasyon ng mga Barangay Ecological Solid Waste Management Committee (BESWMC) sa bawat barangay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Mario De Guzman II, ang City Environment and Natural Resources Officer ng CENRO Santiago, sinabi nito na mahalagang katuwang ng LGU ang mga komite sa barangay upang maipatupad nang maayos ang mga programa sa solid waste management, kabilang ang tamang segregasyon ng basura, recycling, composting, at pagpapatupad ng mga ordinansa kaugnay sa kalinisan.

‎Batay sa itinatakda ng Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000, inaatasan ang bawat barangay na magtatag ng sariling komite na mangangasiwa sa pagpapatupad ng mga programa sa pamamahala ng basura sa kanilang nasasakupan.

‎Sa ilalim ng naturang batas, responsibilidad ng barangay ang pagpapatupad ng segregation at source, pagtatayo ng Materials Recovery Facility (MRF), at pagsasagawa ng information drive upang mapataas ang kamalayan ng mga residente sa wastong pagtatapon ng basura.

--Ads--

‎Ilan sa mga hakbang na isinusulong ng LGU at ng mga barangay committee ay ang regular na clean-up drive, monitoring sa mga establisimyento at kabahayan, at pagpapalakas ng ordinansa laban sa ilegal na pagtatapon ng basura sa mga pampublikong lugar at daluyan ng tubig.

‎Ayon kay De Guzman, mahalaga ang pakikipagtulungan ng komunidad upang maging epektibo ang mga programa sa kalinisan at maiwasan ang pagbaha at iba pang suliraning pangkapaligiran.

‎Nananawagan rin ang LGU sa mga residente na makiisa sa mga inisyatiba ng kanilang barangay at isabuhay ang disiplina sa tamang pamamahala ng basura bilang ambag sa pangangalaga ng kalikasan sa Santiago City.