--Ads--

Patuloy na ipinatutupad ng pamahalaang barangay ng Centro West, Santiago City ang mahigpit na waste segregation kasabay ng regular na iskedyul ng pag-angkat ng basura sa lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kagawad Don Silverio, tuwing Martes at Huwebes lamang kinokolekta ang mga hindi nabubulok na basura habang tuwing Sabado naman ang iskedyul para sa mga nabubulok na basura.

Ipinaliwanag ng opisyal na hindi kukunin ng mga garbage collector ang mga basurang hindi maayos na nakahiwalay.

Tanging mga properly segregated na basura lamang ang isasakay habang ang mga hindi sumusunod sa patakaran ay kinakailangang ibalik muna ng mga residente sa loob ng kanilang mga bahay hanggang sa tamang araw ng koleksyon.

--Ads--

Aminado naman si Kagawad Silverio na mayroon pa ring ilang residente ang nagrereklamo hinggil sa polisiya, subalit patuloy umano silang nakikiusap at nagpapaalala sa publiko tungkol sa kahalagahan ng tamang segregasyon ng basura upang mapanatili ang kalinisan at kaayusan sa barangay.