--Ads--

Nanawagan ang City Environment and Natural Resources Office (CENRO) Santiago ang paglangoy at pagligo sa mga ilog sa lungsod dahil sa kasalukuyang kalidad ng tubig na hindi pa ligtas para sa naturang mga aktibidad.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Environment and Natural Resources Officer Mario De Guzman II, sinabi nitong kabilang ang mga kailugan ng lungsod sa Water Quality Management Area kaya mas pinaigting ng lokal na pamahalaan ang pangangalaga at rehabilitasyon sa mga ito.

Ayon sa opisyal, bagama’t may naitalang pagbuti sa ilang water quality parameters, nananatili pa rin sa Class C ang klasipikasyon ng mga ilog sa lungsod, na nangangahulugang hindi pa angkop ang mga ito para sa paglangoy o paligo ng publiko.

Ipinaliwanag ni De Guzman na limitado lamang sa mga recreational activities gaya ng pamamangka at sa paggamit para sa irigasyon ng mga halaman at sakahan ang pinahihintulutang paggamit ng tubig mula sa mga naturang ilog.

--Ads--

Dahil dito, nanawagan ang opisyal ng mas malawak na kooperasyon at aktibong pakikilahok ng mga mamamayan, lalo na ng mga residenteng naninirahan sa tabing-ilog, upang mapanatili ang kalinisan at maisulong ang patuloy na pagpapabuti ng kalidad ng tubig.

Partikular na tinututukan ng CENRO ang bahagi ng Metro Poblacion na nagsisilbing daluyan ng tubig mula sa iba’t ibang lugar ng lungsod bago ito umagos sa iba pang bahagi ng ilog.

Binigyang-diin ni De Guzman na mahalaga ang sama-samang pagkilos ng komunidad upang mapigilan ang higit pang pagkasira ng mga kailugan at matiyak ang patuloy na pagbuti ng kalidad ng tubig sa mga ito.