Arestado ang isang 30-anyos na lalaki matapos mahulihan umano ng hinihinalang ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. District 1, Cauayan City, nitong gabi ng Pebrero 26.
Kinilala ang suspek na si alyas “Fred,” 30-anyos, may asawa, magsasaka at residente ng Purok 1, Brgy. Nagrumbuan, Cauayan City.
Batay sa ulat, bandang alas-8:25 ng gabi nang magsagawa ng joint anti-illegal drug buy-bust operation ang mga awtoridad sa kahabaan ng Maharlika Highway. Nagresulta ang operasyon sa pagkakaaresto ng suspek matapos umano nitong bentahan ng isang transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer.
Tinatayang may timbang na 0.4 gramo at halagang ₱3,000 ang nasabing ilegal na droga.
Ginamit sa transaksyon ang isang tunay na ₱500 bill bilang buy-bust money at limang piraso ng boodle money na tig-₱500.
Matapos ang bentahan, agad na inaresto ang suspek at isinailalim sa body search. Narekober mula sa kanya ang buy-bust money at iba pang ebidensya kabilang ang isang itim na Android phone at isa pang Android phone na may kulay brown na case.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ay minarkahan, inimbentaryo at sinelyuhan sa mismong lugar ng insidente alinsunod sa umiiral na pamamaraan.
Ayon sa mga awtoridad, inamin umano ng suspek ang paggamit ng ilegal na droga. Gayunman, wala na itong iba pang naging pahayag nang usisain ng mga imbestigador.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.











