Matumal pa rin ang bentahan ng bigas sa pampublikong pamilihan ng Cauayan City dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin, na nagiging dahilan upang limitahan ng mga mamimili ang kanilang mga binibili.
Ayon kay Darryl Catalon, isa sa mga nagtitinda ng bigas sa palengke, wala pang gaanong pagbabago sa presyo ng kanilang mga paninda mula nang maranasan ang pagtaas noong Abril.
Dahil dito, mas pinipili na ng ilang mamimili na bumili kada kilo sa halip na maramihan, dahilan upang nasa humigit-kumulang 15 kilo na lamang ang kanilang naibebenta kada araw.
Aminado rin si Catalon na hirap na silang matugunan ang mga gastusin sa negosyo dahil sa matumal na bentahan. Aniya, sapat na lamang ang kanilang kinikita para sa bayad sa puwesto at sahod ng mga manggagawa.
Sa kasalukuyan, nasa ₱32 hanggang ₱60 kada kilo ang presyo ng ilang lokal na bigas, habang may mga uri na umaabot sa ₱80 hanggang ₱100 kada kilo. Umaabot naman sa ₱70 kada kilo ang isa sa mga imported rice na kanilang ibinebenta.
Nagmumula lamang sa mga rice mill sa Cauayan City at Cabatuan ang kanilang suplay.
Samantala, hindi pa matiyak ng mga nagtitinda kung mananatiling matatag ang presyo ng bigas sa pagpasok ng holiday season, lalo’t may pangamba rin sila sa posibleng epekto ng Super El Niño sa suplay nito.
Umaasa naman si Catalon na bumaba ang presyo ng bigas upang mas maraming pamilya ang makabili ng sapat na suplay para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.











