--Ads--

Nakatakdang itayo ngayong taon ang isang-tatlong palapag na evacuation center sa Brgy. District III bilang bahagi ng paghahanda ng barangay laban sa mga kalamidad.

‎Ayon kay Lorenzo Mangantulao, Punong Barangay ng nasabing lugar, prayoridad ng kanilang pamunuan ang pagpapatayo ng evacuation center dahil isa ang kanilang barangay sa pinakaapektado tuwing may kalamidad lalo na kapag may bagyo. Aniya, nakita niya ang hirap na dinanas ng kaniyang mga nasasakupan noong nakaraang taon kung saan nagsunod-sunod ang pananalasa ng mga bagyo sa kanilang lugar.

‎Dahil dito, naglaan ang barangay ng mahigit kumulang 2.5 milyong piso na pondo para sa konstruksyon ng gusali. Sa kasalukuyan ay inaayos na ng pamunuan ang lahat ng kinakailangang dokumento at papeles upang agad na masimulan ang proyekto sa oras na makumpleto ang mga requirement.

‎Inaasahan na ang tatlong palapag na evacuation center ay magsisilbing mas ligtas at mas maayos na pansamantalang matutuluyan ng mga residenteng kailangang lumikas sa panahon ng sakuna. Layunin din ng proyekto na mabawasan ang pagsisiksikan sa mga paaralan at iba pang pasilidad na karaniwang ginagawang evacuation site.

--Ads--

‎Samantala, malaki rin ang pasasalamat ng mga residente ng barangay sa bagong transport vehicle na binili ng mga opisyal. Ayon sa ilang residente, malaking tulong ito lalo na sa oras ng emergency, partikular sa agarang pagresponde sa mga may sakit, matatanda, at mga batang kailangang dalhin sa ligtas na lugar o sa pagamutan.

‎Patunay umano ito na patuloy ang pagsisikap ng pamunuan ng barangay na mapabuti ang serbisyo at mapalakas ang kahandaan ng komunidad laban sa anumang kalamidad.