--Ads--

Nagsampa ng mga kasong kriminal si dating Senador Antonio Trillanes IV sa Department of Justice (DOJ) laban sa ilang personalidad at 18 dating sundalo kaugnay ng umano’y pekeng International Criminal Court (ICC) bribery scheme.

Kabilang sa mga kinasuhan sina Atty. Levito Baligod, dating Cong. Mike Defensor, broadcaster na si Jay Sonza, dating NTF-ELCAC spokesperson Lorraine Badoy, at vlogger Cathy Binag.

Ayon kay Trillanes, bahagi ito ng planong idawit siya sa isang pekeng bribery scandal na kinasasangkutan ng mga imbestigador ng ICC.

Kabilang sa mga kasong inihain laban kay Atty. Baligod ang cyberlibel at paglabag sa batas na Incriminating an Innocent Person, dahil sa umano’y magkasalungat at mapanirang pahayag tungkol sa sinasabing dalawang milyong dolyar na cash transfer at akusasyon ng kidnapping.

--Ads--

Iginiit ni Trillanes na wala siyang natanggap na anumang halaga mula kay Zaldy Co, maging para sa mga tauhan ng ICC o anumang layunin. Ayon sa kanya, ang alegasyon ay isang desperadong taktika upang ilihis ang pansin.

Samantala, sina Mike Defensor, Jay Sonza, Lorraine Badoy, at Cathy Binag ay kinasuhan din dahil sa umano’y papel nila sa pagpapalaganap ng naturang alegasyon.

Nahaharap naman sa kasong perjury ang 18 indibidwal na tinukoy bilang “ex-Marines” dahil sa umano’y pagbibigay ng maling testimonya kaugnay ng isyu.

Iginiit ng dating senador na ang layunin ng mga alegasyon ay sirain ang kanyang reputasyon at pahinain ang proseso ng imbestigasyon ng ICC.