--Ads--

Pormal nang naihain sa Makati Regional Trial Court ang kahilingan ng United States government na i-extradite o ilipat sa kanilang kustodiya si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy upang harapin ang mga kasong kinakaharap nito sa Amerika.

Ayon sa Department of Justice (DOJ), inihain ang extradition request noong Nobyembre 9 at na-raffle sa Makati RTC Branch 145. Kabilang din sa kahilingan ang dalawang co-accused ni Quiboloy na sina Teresita Tolibas Dandan at Helen Panilag.

Kabilang sa mga kasong nais ipursige ng US laban sa kanila ang international human trafficking, sex trafficking, conspiracy at bulk cash smuggling.

Nilinaw naman ng DOJ na ang extradition proceedings ay hindi paglilitis upang tukuyin kung nagkasala o walang sala ang mga respondent, kundi proseso upang matukoy kung maaari silang ilipat sa bansang humihiling sa kanilang kustodiya.

--Ads--

Sa kasalukuyan, nananatiling nakakulong si Quiboloy sa Pasig City Jail habang nahaharap sa magkakahiwalay na kasong qualified human trafficking at child abuse sa Pilipinas.