Inihayag ng ilang lokal na gasoline station sa lungsod ng Santiago na ramdam na nila ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Ayon sa ilang pump attendant na nakapanayam ng Bombo Radyo Cauayan, kapansin-pansin ang pagdami ng mga motorista na nagmamadaling magpakarga ng krudo at gasolina upang makapag-stock bago ipatupad ang panibagong oil price hike na inaasahang mangyayari sa susunod na linggo.
Sinabi ng mga pump attendant na mas pinipili ngayon ng ilang motorista na magpakarga ng mas maraming gasolina o diesel kaysa sa karaniwan upang makaiwas sa mas mataas na presyo sa mga darating na araw. May ilan din umanong motorista na nagdadagdag ng laman ng kanilang mga imbakan o container upang makapaghanda sa inaasahang pagtaas ng presyo.
Dahil naman sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo at epekto nito sa operasyon ng mga negosyo, napilitan ang ilang gasolinahan na magpatupad ng mga cost-cutting measures upang mapanatili ang kanilang operasyon.
Kabilang dito ang pagbabawas ng ilang empleyado, habang ang iba naman ay nagbawas ng araw o oras ng pasok ng kanilang mga tauhan upang makabawas sa gastusin sa sahod at iba pang operational expenses.
Umaasa naman ang mga empleyado na agad nang humupa ang tensyon sa Middle East na isa sa mga dahilan ng paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, upang unti-unti ring bumalik sa normal ang presyo ng petrolyo at hindi na maapektuhan ang kanilang hanapbuhay at oras ng trabaho.











