--Ads--

Nahuli ng mga kasapi ng Santa Maria Police Station ang isang suspek sa hit-and-run matapos masangkot sa aksidente sa kahabaan ng kalsada sa nasasakupan ng Brgy. Samonte, Quezon, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Precill Morales, Deputy Chief of Police ng Santa Maria Police Station, sinabi niya na ang biktima, na itinago sa alias “Jhon”, 25-anyos, residente ng Brgy. Mararigue, San Manuel, Isabela, ay sakay ng motorsiklo nang mabangga ng sasakyan na minamaneho ni alias “Jay”, 22 anyos, isang di lisensyadong drayber na sakay ng Toyota Vios at residente ng Brgy. Poblacion 1, Santa Maria, Isabela.

Nagtamo ang biktima ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan matapos bumagsak sa kalsada.

Matapos ang aksidente, tumakas ang suspek patungo sa bayan ng Santa Maria, ngunit nahuli siya sa checkpoint matapos makatanggap ang Sta. Maria Police Station ng impormasyon mula sa Quezon Police Station.

--Ads--

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Quezon Police Station ang suspek at mahaharap sa kasong Physical Injury at iba pang posibleng paglabag sa batas-trapiko, kabilang ang pagmamaneho nang walang lisensya at pagtakas sa lugar ng aksidente, na karaniwang may mas mabigat na parusa.

Ayon sa imbestigasyon, sinabi ng suspek na natakot umano siya matapos ang insidente kaya nagpatuloy sa pagmamaneho hanggang sa mapara ng mga pulis sa checkpoint.

Pinaalalahanan ng pulisya ang lahat ng motorista na maging maingat sa pagmamaneho, sundin ang batas trapiko, at iwasan ang pagmamaneho ng mabilis na maaaring magdulot ng pinsala sa sarili at sa iba.