--Ads--

Pinalalawak ng City Agriculture Office ang paggamit ng libreng tractor operation services upang mahikayat ang mas maraming magsasaka na magtanim ng gulay, mais at tubo sa Santiago City.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dominador Fernandez Jr., City Agriculturist at head ng City Agriculture Office, sinabi nito na bahagi ng programa ng lokal na pamahalaan ang pagbibigay ng libreng serbisyo ng traktora sa mga magsasaka na may sakahang hanggang dalawang ektarya.

‎Ayon kay Fernandez, bukod sa libreng serbisyo sa pagbubungkal ng lupa, nagbibigay rin ang kanilang tanggapan ng mga binhi sa ilang magsasaka habang ang iba naman ay kumukuha ng punla o buto mula sa kanilang tanggapan para sa pagtatanim ng gulay.

‎Aniya, layunin ng programa na matulungan ang mga magsasaka na mas mapabilis ang paghahanda ng kanilang sakahan at mabawasan ang gastos sa produksyon.
‎‎
‎Dagdag pa nito na kabilang din sa mga sinusuportahang pananim ng lungsod ang mais at tubo bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng sektor ng agrikultura sa lugar.