--Ads--

Idineklara na ng Sangguniang Bayan ng Reina Mercedes, Isabela ang state of calamity bunsod ng matinding epekto ng tagtuyot sa mga sakahan at kabuhayan ng mga magsasaka sa bayan.

Tinatayang nasa mahigit 3,000 ektarya ng mga sakahan ang naapektuhan ng tagtuyot. Sa naturang bilang 1,166 ektarya ang palayan, 1,611 ektarya ang taniman ng mais, habang nasa 91 ektarya naman ang high-value commercial crops.


Ayon sa ipinasang resolusyon sa pagdedeklara ng state of calamity, inaasahang magkakaroon ng pagkakataon ang lokal na pamahalaan na makakuha ng karagdagang tulong mula sa mga ahensya ng pamahalaan partikular sa Department of Agriculture.

Nagbibigay din ito ng access sa Local Government Unit ng Reina Mercedes na magamit ang 30 percent Quick Response Fund para sa agarang pagtugon sa pangangailangan ng mga apektadong residente.

--Ads--


Sa deliberasyon ng Sangguniang Bayan, ibinunyag na nasa halos tatlong milyong piso ang nakalaang Quick Response Fund ng munisipyo, na maaaring gamitin para sa pagbibigay ng ayuda sa mga magsasaka at kabilang sa planong tulong ang pamamahagi ng bigas sa mga apektadong magsasaka.


Ipinaliwanag din na hindi kailangang ubusin ang buong Quick Response Fund para lamang sa epekto ng tagtuyot, dahil kailangan ding maglaan ng pondo para sa iba pang posibleng kalamidad, lalo na ngayong panahon ng tag-ulan at bagyo.


Samantala, ang deklarasyon ng state of calamity ay may bisa na hanggang isang taon, bagama’t maaari itong bawiin nang mas maaga sa rekomendasyon ng MDRRMC.

Naatasan naman ang Municipal Agriculture Office at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office na mangangasiwa sa pamamahagi ng tulong at sa pag-uulat hinggil sa paggamit ng pondo. Inaasahan naman ang susunod na mga hakbang ng lokal na pamahalaan upang maiparating ang kinakailangang ayuda sa mga magsasakang lubhang naapektuhan ng tagtuyot.