--Ads--

‎Patuloy na nararanasan ang pagtaas ng presyo ng ilang uri ng gulay sa mga pamilihan sa Lungsod ng Cauayan, sa kabila ng naitalang rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo.
‎
‎Iniuugnay ito sa kakulangan ng suplay matapos mabawasan ang bilang ng mga supplier na nagsusuplay ng kanilang mga paninda sa mga nagtitinda.
‎
‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Neneng Evangelista, isang tindera ng gulay sa lungsod, ilan sa kanilang mga supplier ay hindi nakapagtanim, kasabay ng pabago-bagong kondisyon ng panahon na nararanasan.
‎
‎Ilan sa mga pinagmumulan ng kanilang paninda ay ang Bambang, Nueva Vizcaya, Aurora, Isabela, at ilang barangay sa Lungsod ng Cauayan.
‎
‎Sa kasalukuyan, nagkakahalaga ng ₱40 kada kilo ang sitaw, ₱10 kada quarter kilo ang petsay, ₱25 ang upo, at ₱60 kada kilo naman ang okra.
‎
‎Nasa ₱15 kada quarter kilo ang maliliit na ampalaya o tinatawag na bonito at bilog na talong, habang umaabot naman sa ₱90 hanggang ₱100 kada kilo ang talong na ginagamit sa paggawa ng torta.
‎
‎Samantala, nasa ₱60 kada kilo ang kalamansi at malaking ampalaya, ₱15 kada quarter kilo ang kamote, ₱25 kada kalahating kilo ang kalabasa, at ₱50 kada kilo ang patola.
‎
‎Umaabot naman sa ₱80 hanggang ₱100 kada kilo ang kamatis, habang ₱60 kada kilo ang berdeng sili at ₱200 kada kilo naman ang siling labuyo.
‎
‎Bagama’t nagkaroon ng rollback sa presyo ng gasolina, hindi pa rin umano ito nagresulta sa pagbaba ng presyo ng mga gulay dahil nananatiling limitado ang suplay na natatanggap ng mga nagtitinda.
‎
‎Pagdating naman sa bentahan, sinabi ni ginang Evangelista na mas malakas ang kanilang kita tuwing Sabado at Linggo kumpara sa karaniwang araw.
‎
‎Ito ay dahil mas maraming mamimili ang bumibili ng kanilang paninda sa naturang mga araw, kabilang ang mga nagtitinda rin sa mga talipapa at mga kumukuha ng gulay para sa kanilang mga restaurant.
‎
‎Mayroon ding mga mamimiling bumibili nang maramihan upang magkaroon ng sapat na suplay para sa kanilang sariling negosyo.
‎
‎Sa kabila ng hindi pantay na dami ng mamimili sa bawat araw, maayos naman umano ang kinikita ng mga nagtitinda batay sa kanilang kasalukuyang bentahan.
‎
‎Gayunman, wala pang katiyakan kung hanggang kailan mananatili sa kasalukuyang antas ang presyo ng mga gulay dahil nakadepende pa rin ito sa dami ng suplay na maihahatid ng kanilang mga supplier.
‎
‎Umaasa naman ang mga nagtitinda na muling dadami ang mga magsusuplay ng gulay upang magkaroon ng sapat na paninda sa mga pamilihan.