--Ads--

Pinaigting ng Department of Energy (DOE) ang pagbabantay sa presyo ng produktong petrolyo matapos malaman na may ilang gasolinahan ang maagang nagtaas ng presyo ng hanggang humigit-kumulang P8 kada litro bago pa ang itinakdang schedule.

Ayon sa DOE, nakipag-ugnayan na ito sa law enforcement agencies, kabilang ang Philippine National Police, upang mas palakasin ang monitoring at inspeksiyon sa mga retail fuel station sa buong bansa.

Noong Sabado, nagsimula na ang mga inspeksiyon ng DOE sa iba’t ibang gasolinahan upang tiyakin na sumusunod ang mga ito sa tamang presyo at regulasyon.

Sa lungsod ng Tagum, Davao del Norte, nadiskubre ng mga awtoridad ang isang gasolinahan na nagtaas na ng presyo ng diesel ng P8.35 kada litro — mula P64.85 ay naging P73.20.

--Ads--

Dahil dito, agad na inatasan ang nasabing istasyon na ibalik sa tamang presyo ang kanilang produktong diesel.

Binigyang-diin ng DOE na nananatili itong nakatuon sa pagprotekta sa mga konsyumer.

Hinimok din ng ahensiya ang publiko na maging mapagmatyag at agad na iulat ang anumang kahina-hinalang gawain tulad ng hoarding o pagtatago ng suplay, pagtangging magbenta ng produkto, manipulasyon sa presyo at iba pang iregularidad sa mga gasolinahan.