Naghahanda ang Department of Transportation (DOTr) ng P3.5 bilyon na pondo para sa libreng sakay ng milyun-milyong pasahero at para matustusan ang bahagi ng gastusin sa krudo ng mga pampublikong sasakyan (PUVs).
Dalawang hakbang ang ginagamit ng DOTr upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa mga commuter.
Ayon kay Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez, inutusan na niya ang mga opisyal ng road sector na gamitin ang P1 bilyong nakalaan sa 2026 General Appropriations Act (GAA) para sa Service Contracting Program (SCP). Sa pamamagitan nito, muling ipatutupad ang libreng sakay sa piling bus routes, gaya ng nagawa na noon sa EDSA busway. Tinatayang 183,000 katao kada araw ang makikinabang dito batay sa datos ng 2025.
Bukod dito, nakatakdang ilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ngayong linggo ang bilang ng mga benepisyaryo ng P2.5 bilyong fuel subsidy. Kasalukuyan pa nilang tinatapos ang bilang ng mga tricycle driver na isasama sa programa. Noong 2023, umabot sa 1.36 milyong benepisyaryo ang nakatanggap ng one-time grant na hanggang P10,000.
Gayunman, maaari lamang mailabas ang subsidy kung makapagbibigay ng sertipikasyon ang Department of Energy (DOE) na ang Dubai crude oil ay umabot ng $80 kada bariles sa loob ng isang buwan. Nanawagan si Bicol Saro Rep. Terry Ridon na agad maglabas ng sertipikasyon ang DOE dahil umakyat na sa $99.14 kada bariles ang presyo noong Marso 6, dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Hiniling din ni Ridon na isama ang transportasyon ng mga produktong agrikultura at pangisdaan sa saklaw ng subsidy upang maiwasan ang dagdag-gastos na ipinapasa sa mga konsyumer.
Samanatala, inaasahang tataas ng higit P20 kada litro ang presyo ng diesel ngayong linggo, habang P10 kada litro naman ang dagdag sa gasolina.
Ayon naman kay Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel Nepomuceno, mawawalan ng P200 bilyon hanggang P230 bilyon ang gobyerno kung aalisin ang excise tax sa produktong petrolyo. Ang buwis mula sa langis ay bumubuo ng higit 20% ng target na koleksyon ng BOC na P1.0003 trilyon.
Matatandaan na una nang ipinahayag ni Pangulong Marcos na hihingi siya ng kapangyarihan mula sa Kongreso upang ibaba ang excise tax sa langis kung lalampas sa $80 kada bariles ang Dubai crude. Dagdag pa ni Nepomuceno, may sapat na suplay ng petrolyo ang bansa na tatagal ng dalawang buwan.











