--Ads--

Nagbabala si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na mabibigla ang mga umaasang magiging mas maluwag ang kaniyang kapalit na si Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez sa pagtugon sa korapsyon sa ahensya.

Ayon kay Dizon, kabaligtaran umano ang mangyayari dahil inaasahan niyang magiging mas mahigpit si Lopez sa pagpapatupad ng mga reporma at pag-aksyon laban sa mga sangkot sa katiwalian.

Magpapalitan ng puwesto sina Dizon at Lopez alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na inanunsyo ng Malacañang nitong Lunes, Oktubre 26.

Sinabi naman ni Lopez na dahil wala siyang utang na loob sa sinuman sa DPWH, hindi siya magdadalawang-isip na mag-imbestiga o magsuspinde ng sinumang mapatutunayang sangkot sa korapsyon.

--Ads--

Dagdag pa niya, ipagpapatuloy niya ang mga repormang sinimulan sa ahensya at sisikaping maging permanente at tuluy-tuloy ang pagpapatupad ng mga ito.

Binigyang-diin din ni Dizon ang pangangailangang tutukan ang Bulacan, partikular ang First District Engineering Office, na kabilang sa mga lugar na nasasangkot sa imbestigasyon kaugnay ng anomalya sa mga flood control project.

Ayon kay Dizon, unti-unti nang inaayos ni Engr. Kenneth Edward Fernando, na pumalit kay dating district engineer Henry Alcantara, ang mga problemang iniwan ng nakaraang pamunuan.

Samantala, sinabi ni Dizon na buo ang kaniyang tiwala sa desisyon ni Pangulong Marcos sa pagpapalitan nila ng puwesto ni Lopez, at iginiit na layunin ng kanilang pagtatalaga na baguhin ang sistemang may kaugnayan sa korapsyon.