Nananatiling zero fire incident ang Lungsod ng Cauayan ngayong buwan, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan, dahilan upang ipagpatuloy at lalo pang paigtingin ng ahensya ang kanilang mga hakbang sa fire prevention.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FCINSP Roger Esteban, City Fire Marshal ng Cauayan, sinabi nito na mahalaga ang patuloy na pakikipagtulungan ng mga mamamayan at establisimyento sa pagsunod sa fire safety regulations upang mapanatili ang kaligtasan sa lungsod laban sa sunog.
Gayunman, sinabi ni Esteban na noong Pebrero, nakapagtala ang lungsod ng dalawang insidente ng sunog. Dahil dito, patuloy nilang pinapalakas ang kampanya sa fire safety at pagbibigay-alala sa publiko upang maiwasan ang kahalintulad na mga insidente.
Aniya, mahalaga ang pagiging maingat ng bawat isa lalo na sa paggamit ng kuryente, LPG, at iba pang materyales na maaaring pagmulan ng sunog, lalo na ngayong papasok ang mas mainit na panahon kung kailan mas mataas ang posibilidad ng sunog.
Bilang bahagi ng fire prevention measures, paiigtingin ng BFP Cauayan ang inspeksyon sa mga establisimyento na may nakaimbak na produktong petrolyo at iba pang madaling magliyab na materyales upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa fire safety standards.
Kabilang sa mga binibigyang tutok ng inspeksyon ang mga gasolinahan, talyer, hardware stores, vulcanizing shops, mga restaurant na gumagamit ng LPG, LPG refilling stations, at mga bodega o warehouse.
Dagdag pa ni Esteban, target ng kanilang tanggapan na mainspeksyon ang 1,000 establisimyento sa lungsod bago matapos ang unang quarter ng taon bilang bahagi ng fire safety inspection campaign.










