Inihayag ng US Trade Representative (USTR) nitong Huwebes ng gabi na sinimulan nito ang ikalawang hanay ng mga imbestigasyon sa ilalim ng Section 301 laban sa 60 ekonomiya, kabilang ang Pilipinas, kaugnay ng umano’y pagkabigo ng mga ito na kumilos laban sa “forced labor.”
Bahagi ito ng hakbang ng administrasyon ni US President Donald Trump upang muling palakasin ang pressure sa kalakalan laban sa iba’t ibang bansa matapos ibasura ng Korte Suprema ng Estados Unidos noong Pebrero 20 ang kanyang global tariff dahil sa pagiging ilegal.
Kabilang sa listahan ng 60 bansa at ekonomiya ang ilan sa malalaking trading partners at kaalyado ng US tulad ng Australia, Canada, European Union, Britain, Israel, India, Qatar at Saudi Arabia. Kasama rin sa listahan ang China at Russia.
Sinabi ng European Commission na kapareho nila ng layunin ang US tungkol sa forced labor at ganap silang nakatuon sa pag-alis nito sa pandaigdigang supply chain.
Samantala, sinabi ng tagapagsalita ng UK Department of Business and Trade na makikipag-ugnayan ang Britain sa US administration upang ipaliwanag ang mga hakbang na ginagawa nito laban sa forced labor sa loob ng bansa at sa global supply chains upang matiyak na hindi sangkot ang mga negosyong Briton sa ganitong gawain.
Ayon sa ulat, ang mga bansa sa listahan ay nagpahayag ng kanilang pangako na pagbutihin ang karapatan ng mga manggagawa at pigilan ang forced labor, at makikipagtulungan sa US upang isulong ang karapatang pantao.





