Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang magkahiwalay na panukalang batas para bigyan ng Philippine citizenship sina basketball players Maodo “Malick” Diouf at Elizabeth Jeanette Means.
Pinagtibay ng mga senador ang House Bill Nos. 6640 at 6641, na layong gawing Pilipino ang dalawang atleta upang palakasin ang mga programa ng bansa sa basketball.
Ayon kay Senador Francis “Kiko” Pangilinan, sponsor ng panukala, makatutulong ang naturalization ng mga manlalaro sa pagpapaunlad ng Gilas Pilipinas at magsisilbing inspirasyon sa susunod na henerasyon ng mga atleta.
Ang mga panukala ay ipapadala na sa Office of the President para sa pirma at tuluyang maging batas.
Si Diouf, dating foreign student-athlete ng University of the Philippines, ay nakatulong sa panalo ng Fighting Maroons sa UAAP Season 84 noong 2022. Target siyang isama sa Gilas Pilipinas 3×3 pool.
Samantala, si Means, na naglaro sa NCAA Division II sa Westminster University sa U.S. at may lahing mula sa Naga, Camarines Sur, ay inaasahang magbibigay ng malaking tulong sa Gilas Women’s 3×3 program.
Ang hakbang na ito ay nakikitang magpapalakas sa pambansang koponan habang patuloy na hinahasa ang talento ng mga Pilipino sa larangan ng basketball.





