Ipinatupad ng Social Security System o SSS ng bagong paraan upang mapadali ang pagsunod ng mga pensioner sa Annual Confirmation of Pensioners o ACOP.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay John Mark Ilagan ang Regional Communications Officer ng SSS Luzon North Division, sinabi niya na ang ACOP ay isang facial authentication with liveness check sa ilalim ng eVerify system ng Philippine Identification System o PhilSys.
Layunin ng programang ito na matiyak ang tunay na pagkakakilanlan ng mga pensioner at maiwasan ang panlilinlang o fraud sa pagkuha ng pensyon.
Sa prosesong ito, magsasagawa ang pensioner ng face scan gamit ang kanilang mobile phone, computer, tablet, o anumang camera-enabled device.
May kasama itong liveness check upang matiyak na ang nagva-verify ay isang buhay na indibidwal at hindi larawan o video lamang.
Ayon sa SSS, maaari nang kumpletuhin ng mga kwalipikadong pensioner ang kanilang ACOP requirement online, kaya hindi na kinakailangang pumunta sa alinmang sangay ng ahensya.
Kabilang sa maaaring gumamit ng facial authentication ang retirement pensioners na nasa Pilipinas na 80 taong gulang pataas, retirement pensioners na nasa ibang bansa at survivor o death pensioners na nakarehistro sa PhilSys.
Samantala, kung hindi makapag-comply online ang pensioner, maaari pa rin silang magtungo sa pinakamalapit na SSS branch upang magpatulong sa e-Center personnel.
Tiniyak ng SSS na ang bagong sistemang ito ay bahagi ng kanilang patuloy na pagsisikap na mapanatiling ligtas, mabilis, at maayos ang paghahatid ng pension benefits sa mga pensioner’s sa buong bansa.










