--Ads--

Nasamsam ng Philippine National Police (PNP) ang 26 na pakete ng hinihinalang cocaine na may kabuuang timbang na 30.15 kilo at tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P150 milyong piso matapos itong matagpuan ng apat na mangingisda sa karagatang sakop ng Aparri, Cagayan, noong Nobyembre 14, 2026.

Nangingisda ang apat na residente ng Barangay Sanja, Aparri, sa karagatang nasa pagitan ng Fuga at Camiguin Island, nang mapansin nila ang isang itim na pakete na palutang-lutang sa tubig.

Nang kanilang buksan ang pakete, tumambad ang 26 na bloke ng hinihinalang ilegal na droga na nakabalot sa malinaw na plastik at may nakalimbag na dobleng letrang G at pulang disenyo ng bibig at dila.

Agad na humingi ng tulong sa pulisya ang mga mangingisda at kusang-loob na isinuko ang mga narekober na pakete sa mga awtoridad sa Barangay Sanja.

--Ads--