Matatanggap ng mga magsasaka at mangingisda ang kanilang cash assistance sa darating na Abril 6 at Abril 7, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Tiniyak ito ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa isang ambush interview sa Agora Market, San Juan City nitong Miyerkoles, Marso 18.
Nakatakdang makatanggap ng P2,350 ang kabuuang 4,172,418 na magsasaka at mangingisda sa bansa, mula sa P10 bilyong pondo ng Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP).
Bukod dito, makakatanggap ng tig-P5,000 ang 14,439 na magsasaka at tig-P3,000 ang 15,669 na mangingisda mula sa P150 milyong nakalaan sa Fuel Assistance Project (FAP) ng DA.
Ayon kay Tiu Laurel, kasalukuyang inaayos ng ahensya ang pamamahagi ng mga subsidiya upang masiguro ang maayos na pag-abot sa mga benepisyaryo.










