Kinuwestiyon ng election watchdog na Kontra Daya ang naging desisyon ng COMELEC matapos na pinawalang-sala si Sen. Rodante Marcoleta sa anumang paglabag sa Omnibus Election Code kaugnay ng hindi niya pagdedeklara ng campaign contributions sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures o SOCE noong halalan ng Mayo 2025.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Prof. Danilo Arao, convenor ng Kontra Daya, sinabi niya na nauna nang inihayag ng COMELEC na may pananagutan ang tatlong contributor ng senador, ngunit siya bilang pangunahing benepisyaryo ng kampanya ay hindi pinapanagot.
Iginiit niya na hindi makatuwiran na ang mga donor ang papanagutin habang ang mismong benepisyaryo ng kampanya ay hindi. Nagbabala rin ang grupo na maaaring magdulot ito ng hindi magandang precedent na posibleng magamit ng mga mayayaman at makapangyarihan upang makaiwas sa tamang pagdedeklara ng campaign funds sa mga susunod na halalan.
Dagdag pa ng grupo, maaari itong magbukas ng butas sa sistema ng campaign finance reporting kung saan maaaring hindi ideklara ang mga donasyon basta’t ibibigay ang mga ito bago ang opisyal na campaign period. Ipinunto rin nila na mahalaga ang transparency sa campaign financing upang mapanatili ang integridad ng halalan.
Kaugnay nito, una nang naghain ng reklamo ang Kontra Daya at Advocates for Public Interest Law sa Office of the Ombudsman laban kay Marcoleta dahil sa umano’y perjury matapos niyang amining tumanggap ng donasyon ngunit nagdeklara ng zero contributions sa kanyang SOCE.
Giit ng Kontra Daya, hindi dapat makalusot si Marcoleta sa kaso dahil ang ginawa ng Senador ay malinaw na panloloko sa taumbayan.










