Sinimulan na ngayong araw ang voter registration sa bayan ng Echague, Isabela, kung saan kabilang sa mga nagtungo sa tanggapan ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga kabataang nais magkaroon ng pagkakataong makaboto sa mga susunod na halalan.
Isa sa mga nagparehistro si Heighly May Ramon, isang estudyante, na binigyang-diin ang kahalagahan ng pakikilahok ng kabataan sa halalan upang maipahayag ang kanilang saloobin at magkaroon ng boses sa pagpili ng mga susunod na lider ng bansa.
Ayon kay Ramon, hindi lamang simpleng proseso ang voter registration kundi isang mahalagang hakbang sa pagtupad ng kanilang karapatang bumoto at responsibilidad bilang mamamayan.
Layunin din niyang mailipat ang kaniyang voter registration record mula Santiago City patungong Echague upang sa kasalukuyan niyang tinitirhang bayan na siya makaboto sa mga susunod na halalan.
Samantala, hinikayat ang mga first-time voters at iba pang kwalipikadong mamamayan na samantalahin ang panahon ng pagpaparehistro at tiyaking kumpleto ang mga kinakailangang dokumento.











