--Ads--

Humihiling ngayon ng emergency fare hike ang mga tricycle drivers sa bayan ng Reina Mercedes, Isabela bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Harold Respicio, Vice Mayor ng nasabing bayan, sinabi niya na nais ng mga driver na magdagdag ng ₱5 sa pamasahe at payagang makapagsakay ng dagdag na isang pasahero upang madagdagan ang kanilang kita.

Ipinaliwanag ni Atty. Respicio na malaki na ang ibinaba ng kita ng mga tsuper. Dati ay umaabot sa ₱800 ang kanilang kinikita kada araw at ₱200 lamang ang gastos sa gasolina. Ngunit sa kasalukuyan, tumaas na sa ₱300 ang gastos sa gasolina habang bumaba sa ₱600 ang kita, kaya nasa ₱300 na lamang ang kanilang naiuuwing pera.

Ayon pa sa bise alkalde, handa naman umano ang mga residente na tanggapin ang ₱5 na dagdag-pasahe.

--Ads--

Nilinaw din niya na mananatili ang diskwento para sa mga senior citizen at estudyante.

Dagdag pa niya, pansamantala lamang ang ipatutupad na fare hike at inaasahang maaaprubahan ito agad, posibleng sa darating na Lunes.

Samantala, tinatayang nasa 1,000 tricycle drivers ang makikinabang sa naturang hakbang.