--Ads--

Mahigpit na binabantayan ng lokal na pamahalaan ng Cauayan City ang posibleng paniningil ng mga tricycle driver ng sobrang pamasahe kasunod ng pabago-bagong presyo ng produktong petrolyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi nito agad na pinagbigyan ng alkalde ng lungsod bg Cauayan ang panukalang tugunan ang usapin sa pamasahe ng mga tricycle sa lungsod, kung saan umaabot sa 25 pesos ang kasalukuyang pamasahe sa bahagi ng poblacion.

Sinabi ni Mallillin na sumailalim na sa public hearing ang panukalang regulasyon at naaprubahan na rin ng City Legal Government Unit. Gayunman, hindi pa ito pormal na naipahahayag sa publiko at naipatutupad bilang ordinansa.

Paliwanag ng opisyal, kinakailangan ang masusing  pag-aaral sa pagtatakda ng permanenteng pamasahe dahil sa hindi tiyak na galaw ng presyo ng petrolyo, na maaari pang tumaas o bumaba sa mga susunod na panahon.

--Ads--

Binigyang-diin din ni Mallillin na hindi lamang pamasahe ang naaapektuhan ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo, kundi maging ang presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa domino effect nito sa iba pang gastusin.

Dahil dito, nanawagan ang opisyal sa mga tricycle driver na maging disiplinado at huwag samantalahin ang sitwasyon sa pamamagitan ng paniningil ng labis na pamasahe sa mga pasahero.

Dagdag pa niya, maaaring ireport sa kinauukulan ang mga tricycle driver na naniningil ng sobrang pamasahe upang agad na maaksyunan.

Muli namang nanawagan ang opisyal sa mga transport operator at driver na makipagtulungan sa pamahalaan at isaalang-alang ang kapakanan ng mga commuter sa gitna ng pabago-bagong presyo ng petrolyo.