Magsasagawa ng road safety seminar ang Land Transportation Office o LTO Santiago Extension Office para sa mga tricycle driver ngayong Nobyembre 11 bilang bahagi ng kampanya nito para sa mas ligtas na paglalakbay sa kalsada.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay OIC Dennis Buendia ng LTO Santiago Extension Office, sinabi nitong nasa 20 hanggang 25 tricycle driver ang inaasahang lalahok sa aktibidad bilang bahagi ng paggunita sa National Day of Remembrance for Road Crash Victims.
Tatalakayin sa refresher course ang mga umiiral na batas-trapiko, mga bagong memorandum at iba pang regulasyong kailangang sundin ng mga motorista.
Bibigyang-diin din ang pagbibigay-prayoridad sa mga pedestrian, partikular sa mga tumatawid sa mga itinalagang pedestrian lane, upang maiwasan ang mga aksidente at posibleng pananagutan ng mga driver.
Ayon kay Buendia, bahagi ito ng mga inisyatibo ng Regional Office upang mapalawak ang kaalaman ng mga motorista, lalo na ng mga tricycle driver na araw-araw na nagseserbisyo sa mga estudyante at iba pang pasahero.
Bibigyan naman ng certificate ang mga makikilahok bilang pagkilala sa kanilang pagdalo sa road safety refresher course.
Muli ring pinaalalahanan ng LTO ang mga motorista na sumunod sa mga batas-trapiko at laging unahin ang kaligtasan sa bawat biyahe.











