Itinanggi ni Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste na inamin niyang siya ang sanhi ng “sleepless nights at anxiety” ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, matapos maglabas ng paglilinaw na ang naturang pahayag ay mula mismo sa affidavit ni Castro at hindi sa kanya.
Matatandaan na nag-react si Castro sa isang post ni Leviste at sinabing “very good” dahil umano’y inamin ng kongresista na siya ang sanhi ng kanyang pagkabalisa.
Ayon kay Castro, maaaring magamit sa korte ang naturang post.
Maalala na nagsampa si Leviste ng civil complaint for libel laban kay Castro kaugnay ng pahayag nito tungkol sa kompanyang solar energy na kanyang itinatag.
Ipinakita ni Leviste sa media ang bahagi ng affidavit ni Castro kung saan nakasaad ang “moral damages” na hindi bababa sa ₱500 milyon dahil sa “sleepless nights and anxiety” na dulot umano ng kasong isinampa laban sa kanya.
Giit ng kongresista, hindi niya ito inamin kundi binanggit lamang ang nakasaad sa affidavit ni Castro.
Sa kanyang post, sinabi ni Leviste na “Humihingi si USec Claire Castro na bayaran ko siya dahil sa ‘sleepless nights and anxiety’ na dulot umano ng kasong isinampa ko laban sa kanya. Wala akong obligasyong bayaran siya. Pero kung kailangan niyang magpagamot ngayon, bukal sa loob kong sagutin ang kanyang gastusin sa ospital.”
Dagdag pa ni Leviste, kung may medical certificate mula sa doktor ni Castro na nagpapatunay sa kanyang kondisyon, mas madali niyang malalaman kung anong paggamot o gamot ang dapat sagutin. Gayunman, nilinaw niyang wala siyang obligasyon dito.
Binanggit din ng kongresista na mahalagang malaman ng publiko ang kalagayan ng kalusugan ng mga opisyal ng gobyerno, lalo na’t may ₱2.46 bilyong budget ang PCO para sa taong 2026 at hindi pa nakukumpirma ng Commission on Appointments si Acting Secretary Dave Gomez.










