--Ads--

Muling tiniyak ni US President Donald Trump ang buong suporta ng Estados Unidos sa mga kaalyadong bansa sa Southeast Asia, kabilang ang Pilipinas, na aniya’y mas naging malapit sa Amerika dahil sa kanilang personal na ugnayan.

Sa kaniyang talumpati sa ASEAN-US Summit, sinabi ni Trump kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mas pinaigting na ng dalawang bansa ang kanilang kooperasyong pandepensa at maaari siyang direktang tawagan sakaling magkaroon ng problema.

Pabiro pa niyang sinabi na sisibakin niya si US Secretary of State Marco Rubio kapag hindi nito agad sinagot ang tawag ng Pangulo.

Binanggit din ni Trump ang bagong partnership ng Estados Unidos at Indonesia sa larangan ng depensa, gayundin ang mga kasunduang pangkalakalan na nabuo ng Amerika sa ilang bansa sa Asya.

--Ads--

Binigyang-diin ng US President na nananatiling nakatuon ang kaniyang administrasyon sa pagtataguyod ng soberanya, seguridad at kaunlaran ng mga kaalyado nito sa Southeast Asia at Indo-Pacific region.