Naghain nitong Biyernes si Akbayan Party-list Representative Percival Cendaña ng counter-affidavit sa kasong libel at cyber libel na isinampa laban sa kaniya ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy.
Sa kaniyang counter-affidavit na isinumite sa Pasig City Prosecutor’s Office, hiniling ni Cendaña na ibasura ang reklamo dahil nabigo umano itong patunayan ang pagkakaroon ng actual malice, na isa sa mga kinakailangang elemento sa kasong libel o cyber libel na kinasasangkutan ng mga public figure.
Itinanggi rin ng mambabatas na nakagawa siya ng libel o cyber libel, at iginiit na ang kaniyang mga pahayag ay bahagi lamang ng malayang pagpapahayag ng opinyon at komentaryo hinggil sa mga usaping may malaking interes sa publiko.
Ayon kay Cendaña, nakabatay ang kaniyang mga pahayag sa mga isyung matagal nang tinatalakay sa mga imbestigasyon ng Senado at sa mga naiulat na kasong may kaugnayan sa human trafficking at sex trafficking sa Pilipinas at Estados Unidos.
Tinawag din ng mambabatas na harassment ang reklamong isinampa laban sa kaniya at hinimok si Quiboloy na sa halip na magsampa ng kaso laban sa mga kritiko ay pagtuunan na lamang ang paghahanda sa napipintong extradition nito.
Binigyang-diin pa ni Cendaña na walang mapanirang pahayag sa kaniyang mga sinabi dahil ang mga ito ay nakabatay umano sa mga naunang talakayan at imbestigasyon sa mga pagdinig ng mga komite ng Senado.









