--Ads--

Inanunsyo ng International Olympic Committee (IOC) na tanging mga biological na babae lamang ang maaaring lumahok sa mga kompetisyon sa female category sa Los Angeles 2028 Olympics.

Ang kasarian ay matutukoy sa pamamagitan ng gene-screening test, partikular sa SRY gene test.

Ayon sa International Olympic Committee, ang presensya ng SRY gene ay malinaw na ebidensya ng male sex development at hindi nagbabago sa buong buhay ng isang atleta.

Ang bagong polisiya ay resulta ng 18-buwang konsultasyon upang magkaroon ng iisang pamantayan sa female elite sports, matapos ang mga taon ng magkakaibang regulasyon na nagdulot ng kontrobersiya.

--Ads--

Nilinaw ng IOC na walang retroactive effect ang bagong patakaran at hindi ito sakop ang grassroots o amateur sports. May mga exception para sa mga atleta na may Complete Androgen Insensitivity Syndrome (CAIS) o iba pang bihirang kondisyon sa sex development.

Ang desisyon ay kasunod ng mga kontrobersiya sa Paris 2024 Olympics, kung saan dalawang boksingera ang nagwagi ng ginto sa kabila ng gender eligibility issues.

Sa ilalim ng dating sistema, ang mga transgender athletes ay pinapayagang lumahok basta’t aprubado ng kani-kanilang federations. Ngunit ngayon, ang IOC na mismo ang magtatakda ng pamantayan para sa lahat ng female category events.