--Ads--

Paiigtingin ang pagpapahalaga sa panitikang Pilipino sa darating na buwan ng Abril kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Panitikang Pilipino.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Mark John Prestoza ang Direktor ng ISU-Sentro ng Wika at Kultura, sinabi niyang nakabatay ang pagdiriwang sa Proklamasyon Blg. 968 na nilagdaan ni Benigno Aquino III, na nagtatakda sa Abril bilang buwan ng panitikang Pilipino.

Ayon kay Dr. Prestoza, mahalaga ang panitikan sa paghubog ng pambansang identidad at kamalayang panlipunan dahil dito naipapahayag ang karanasan at adhikain ng mamamayan.

Ipinaliwanag din nito ang tema ngayong taon na “Béket: Panitikan para sa Katarungan at Kalikasan,” kung saan ang “Béket” ay nangangahulugang pagkakaisa o pagbubuklod mula sa wikang Agutaynen.

--Ads--

Kaugnay nito, ilulunsad ng ISU-Sentro ng Wika at Kultura ang “Tan-aw: Tertulia Pampanitikan 2026” sa Abril 17, katuwang ang Komisyon sa Wikang Filipino at Polytechnic University of the Philippines Open University.

Inaasahang tatalakayin sa programa ang papel ng panitikan sa katarungan at kalikasan, kasama ang partisipasyon ng mga iskolar, guro at manunulat tulad ni Eros S. Atalia.