Susuriin ng Office of the Ombudsman ang mga ebidensiyang isusumite ng House prosecution panel kaugnay ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla.
Sa press briefing sa Cebu nitong Huwebes, sinabi ni Remulla na posibleng kailanganin din ang mga sinumpaang salaysay, depende sa magiging pagsusuri nila sa mga dokumentong matatanggap mula sa prosecution panel.
Matatandaang binawi ng House prosecution panel ang tatlo sa apat na impeachment articles laban kay Duterte, kabilang ang mga alegasyon ng grave threats at paggamit ng confidential funds. Nauna namang hindi iniharap sa paglilitis ang alegasyon ng bribery. Gayunman, iginiit ni lead prosecutor at Batangas 2nd District Representative Gerville “Jinky” Luistro na hindi masasayang ang mga nakalap na ebidensiya at testimonya dahil maaari pa itong magamit ng iba pang ahensiya ng pamahalaan sa pagsasagawa ng mga kasong kriminal.
Samantala, sinabi ni Remulla na kailangan munang beripikahin ang mga impormasyong nakalap ng National Bureau of Investigation sa fact-finding investigation nito sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ni Duterte. Iniimbestigahan din ng NBI ang ilang ari-ariang iniuugnay sa Bise Presidente at sa kaniyang asawang si Atty. Manases Carpio.











