--Ads--

Malubhang nasugatan ang isang babae matapos pagtatagain ng kanyang live-in partner sa isang insidente ng karahasan sa loob ng kanilang bahay sa Purok 4, Brgy. Pinoma, Cauayan City, Isabela noong April 3, 2026.

Kinilala ang biktima na si ‘Marie’—hindi niya tunay na pangalan, 36-anyos, habang ang suspek ay si ‘Santos’, laborer, 48-anyos, kapwa residente ng nasabing lugar.

Batay sa paunang imbestigasyon, nag-iinuman umano ang dalawa sa loob ng kanilang bahay bago nagkaroon ng mainitang pagtatalo. Ayon sa ulat, nakapagsalita ng masasakit na salita ang biktima laban sa mga magulang ng suspek na naging dahilan ng komprontasyon.

Sa gitna ng alitan, kumuha umano ng karit ang biktima at tinangkang sugurin ang suspek. Sinubukan pa umano siyang pakalmahin ng suspek ngunit hindi ito nagtagumpay.

--Ads--

Dahil sa banta sa kanyang buhay, kumuha ng bolo ang suspek mula sa kusina at paulit-ulit na tinaga ang biktima, na nagtamo ng malubhang sugat sa ulo, mukha at iba pang bahagi ng katawan.

Agad namang rumesponde ang Rescue 922 at isinugod ang biktima sa Cauayan District Hospital para sa agarang lunas.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa insidente habang nahaharap sa kaukulang kaso ang suspek.