--Ads--

 Ilan pang mga opisyal ng gobyerno ang pinadalhan ng House Committee on Justice ng subpoena para dumalo sa pagdinig sa April 14 kaugnay sa pagtukoy kung may probable cause ang dalawang verified impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Kabilang sa mga pinapaharap sa impeachment hearing ang auditor ng Commission on Audit (COA) na si Atty. Gloria Camora.

Pinapasumite ng komite kay Camora ang orihinal na kopya ng mga dokumento kaugnay sa paggamit at liquidation ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education (DepEd) mula 2022 hanggang 2023.

Kasama dito ang Documentary Evidence of Payments para sa mga tumanggap ng confidential funds na may pangalang Milky Secuya, Kokoy Villamin, Mary Grace Piattos, at Irene Tan.

--Ads--

Pinadalhan din ng subpoena para dumalo sa hearing si Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Atty. Charlito Martin Mendoza.

Pinapasumite ng komite kay Mendoza ang original o certified true copies ng Annual Income Tax Returns ni VP Sara at mister na si Manases Carpio mula 2007 hanggang 2025, gayundin ang mga dokumentong may kaugnayan sa kanilang mga negosyo.

Bukod dito, pinadalhan din ng subpoena at pinapasipot sa impeachment hearing si Atty. Cynthia Viñas-Pantonal, ang abogadong nag-notarize ng affidavit ni Ramil Lagunoy Madriaga.