--Ads--

Kinumpirma ni Manila Representative Joel Chua na naisumite na sa Office of the Ombudsman ang mga nakalap na ebidensiya ng House prosecution team kaugnay ng umano’y maling paggamit ni Vice President Sara Duterte sa confidential funds at alegasyon ng panunuhol.

Ayon kay Chua, natugunan na nila ang subpoena na inilabas ng tanggapan ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla, bagama’t hindi na niya matandaan ang eksaktong petsa ng pagsusumite.

Tinataya ng mambabatas na noong Oktubre pa nila naipasa ang mga dokumento at iba pang ebidensiyang nakalap kaugnay ng umano’y maling paggamit sa kabuuang P612.5 milyong confidential funds ni Duterte.

Kabilang dito ang P125 milyon na nagastos umano sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022, na naging paksa ng imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability na pinamumunuan ni Chua noong 2024.

--Ads--

Isinama rin sa mga isinumiteng ebidensiya ang mga alegasyon ng panunuhol sa mga opisyal ng Department of Education, na pinamunuan ni Duterte mula 2022 hanggang 2024.

Ang mga naturang isyu ay kabilang sa apat na artikulo ng impeachment complaint laban sa bise presidente. Gayunman, kalaunan ay inurong ng prosecution team ang mga usapin hinggil sa confidential funds, bribery at grave threats upang umano’y mapabilis ang proseso ng impeachment.

Ayon kay Chua, nakapagsumite na rin sila noon ng committee report hinggil sa mga naturang isyu, subalit mayroon pang karagdagang ebidensiyang nakalap ang prosecution team na inaasahan nilang makatutulong upang higit na mapagtibay ang mga kasong maaaring isampa laban kay Duterte.