--Ads--

Inihayag ng Public Order and Safety Division (POSD) ng Cauayan City na matagal na nilang ipinapatupad ang pagbabawal sa pag-inom ng alak sa mga gilid ng kalsada, lalo na tuwing dis-oras ng gabi.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na bagama’t matagal na itong ordinansa sa lungsod, patuloy pa rin nilang paiigtingin ang pagpapatupad nito alinsunod sa direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Matatandaang naglabas ng kautusan ang DILG na mahigpit na ipagbawal ang pag-inom ng alak sa mga lansangan at iba pang pampublikong lugar upang mapanatili ang kaayusan at matiyak ang kaligtasan ng komunidad, lalo na sa gabi kung kailan mas mataas ang posibilidad ng kaguluhan at krimen.

Ayon kay Mallillin, kabilang sa kanilang mga hakbang ang mas pinaigting na pagpapatrolya ng mga awtoridad, lalo na sa mga lugar na madalas tambayan ng mga umiinom sa kalsada. Makikipag-ugnayan din ang POSD sa kapulisan at barangay officials upang mas mapabilis ang pagresponde sa mga paglabag.

--Ads--

Kasabay nito, paiigtingin din ang pagpapatupad ng curfew para sa mga menor de edad bilang bahagi ng kampanya upang maprotektahan ang kabataan laban sa mga panganib sa gabi.

Ipinagbabawal din sa lungsod ang paglabas ng walang damit pang-itaas sa mga pampublikong lugar, gayundin ang pagvi-videoke lampas alas-10 ng gabi upang maiwasan ang istorbo sa komunidad at mapanatili ang disiplina sa mga residential area.

Binalaan naman ng POSD ang mga negosyanteng nagbebenta ng mga nakalalasing na inumin na maging responsable sa kanilang operasyon. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta ng alak sa mga menor de edad, at hinihikayat ang mga tindahan at establisyimento na sumunod sa itinakdang oras ng bentahan.

Dagdag pa rito, pinapaalalahanan ang mga residente na iwasan ang pagtambay sa kalsada tuwing dis-oras ng gabi, lalo na ang mga kabataan, upang maiwasan ang anumang hindi kanais-nais na insidente tulad ng gulo, aksidente, o krimen.

Sa huli, binigyang-diin ng POSD na ang kooperasyon ng publiko ay mahalaga upang mapanatili ang kaayusan, disiplina, at kapayapaan sa lungsod ng Cauayan.