--Ads--

Mahigit 8,000 tricycle drivers sa Santiago City ang nakatanggap ng Cash Relief Assistance (CRA) ngayong araw, Abril 8, mula sa Department of Social Welfare and Development o DSWD Region 2.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Atty. Sheena Tan-Dy, sinabi niya na aabot sa 8,117 na drayber ang makikinabang sa halagang ₱5,000 bawat isa.

Ang nasabing ayuda ay bahagi ng programa ng pambansang pamahalaan na layuning tulungan ang sektor ng transportasyon na naapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang pangunahing bilihin.

Ipinaalala ng alkalde na malaking tulong ang ayuda para sa mga drayber, lalo na’t may direktiba ang Pangulo na pansamantalang huwag magtaas ng pamasahe upang maprotektahan ang mga pasahero.

--Ads--

Dagdag pa niya, sisikapin ng Lokal na Pamahalaan ng Santiago City na maipatupad nang maayos ang programa upang matiyak na makarating ang tulong sa mga benepisyaryo.

Nanawagan din ang alkalde sa publiko na magpakita ng pag-unawa at malasakit sa isa’t isa sa gitna ng kasalukuyang krisis, lalo na sa epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo at mga pangunahing bilihin.