Umabot na sa 76.44 percent ang kabuuang payout ng UPLIFT Assistance ng Department of Social Welfare and Development o DSWD Region 2 para sa mga pamilyang kabilang sa poor at near-poor sector sa rehiyon.
Ayon kay DSWD Regional Director Lucia Alan, sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, kabilang sa tinatawag na Group 2 beneficiaries ang may kabuuang 50,948 benepisyaryo, na hinati sa dalawang batch.
Sa unang batch na may 19,289 beneficiaries, nasa 14,231 na ang nabayaran na nagkakahalaga ng mahigit P28.4 milyon, katumbas ng 73.73 percent payout rate.
Samantala, sa ikalawang batch na binubuo ng 31,659 beneficiaries, nasa 24,724 na ang nabayaran na may kabuuang halaga na mahigit P49.4 milyon, o 78.09 percent payout rate.
Sa kabuuan, nasa 38,945 beneficiaries na ang nakatanggap ng assistance na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P77.89 milyon.
Sinabi ni Regional Director Lucia Alan na natapos na ng DSWD Region 2 ang payout sa mga munisipalidad sa rehiyon, kabilang ang kanilang huling payout activity sa bayan ng Lallo.
Gayunman, hindi pa umabot sa 100 percent ang payout dahil may ilang beneficiaries na hindi nakapunta sa itinakdang payout sites dahil sa iba’t ibang dahilan, kabilang ang pagkakasakit at kawalan ng kakayahang bumiyahe mula sa kanilang lugar.
Para sa mga hindi nakadalo, maaari silang pumunta sa pinakamalapit na satellite office ng DSWD upang ma-facilitate ang kanilang pagkuha ng assistance. Para naman sa mga lugar na maraming hindi nakatanggap, maaari umanong makipag-ugnayan ang DSWD sa lokal na pamahalaan upang magsagawa ng panibagong payout.
Nilinaw din ng opisyal na para sa mga benepisyaryong hindi talaga makakapunta dahil sa karamdaman o iba pang seryosong dahilan, maaaring magkaroon ng kinatawan basta’t kwalipikadong miyembro ng pamilya ang nakatala sa Community-Based Monitoring System o CBMS at pasok sa itinakdang requirements.
Samantala, sa mga susunod na payout, isasagawa na ang distribusyon sa pamamagitan ng GCash, LandBank at iba pang service providers para sa mga beneficiaries na mayroon nang kinakailangang account.
Sa ngayon inaayos pa ng kanilang tanggapan ang iskedyul ng payout para sa buwan ng Agosto.
Samantala, ipinaliwanag ng opisyal na ang mga benepisyaryo ng UPLIFT Assistance ay natukoy batay sa datos mula sa Community-Based Monitoring System o CBMS, na ginagamit sa pagtukoy sa mga kwalipikadong pamilya.











