Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon para sa certiorari na inihain ng kontrobersyal na contractor na si Sarah Discaya kaugnay ng finding ng Ombudsman na may probable cause laban sa kanya sa P96.5-milyong ghost flood control project sa Davao Occidental.
Sa en banc session nitong Abril 8, nagpasiya ang Korte Suprema na wala nang saysay ang petisyon matapos magsampa ng kaukulang kaso ang Office of the Ombudsman sa regional trial court, na naglabas na rin ng warrant of arrest laban sa akusado.
Ayon sa Office of the Spokesperson ng Korte Suprema, hindi napatunayan ni Discaya ang anumang exeptions na magbibigay-daan upang tanggapin ang kanyang petisyon, tulad ng paglabag sa karapatang konstitusyonal o kawalan ng batayan ng kaso.
Binigyang-diin din ng Korte Suprema na ang pagtukoy ng probable cause sa preliminary investigation ay eksklusibong tungkulin ng public prosecutor at karaniwang hindi pinakikialaman ng mga hukuman. Dagdag pa, nakabatay sa sapat na ebidensya ang naging desisyon ng Ombudsman.
Sa kasalukuyan, nakadetine si Discaya sa Lapu-Lapu City Jail.
Matatandaang noong Disyembre 2025, nagsampa ang Ombudsman ng mga kasong malversation and corruption charges laban kina Discaya, Maria Roma Angeline Rimando ng St. Timothy Construction, at ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways sa Davao Occidental kaugnay ng umano’y ghost flood control project na nagkakahalaga ng P96.5 milyon.








