--Ads--

Human error ang nakikitang posibleng dahilan sa pagsalpok ng isang truck sa apat na poste ng kuryente at isang solar streetlight sa Barangay Magsaysay, Bayombong, Nueva Vizcaya, kahapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Anthony Ayungo, hepe ng Bayombong Police Station, sinabi nitong posibleng nakatulog nang bahagya ang driver dahil sa pagod kaya hindi nito namalayang lumilihis na ang truck patungo sa kabilang linya ng kalsada.

Naganap ang insidente dakong alas-singko ng umaga sa kahabaan ng Maharlika Highway, kung saan nasalpok ng truck ang apat na poste ng NUVELCO bago tuluyang bumulusok sa isang bakanteng lote.

Bukod sa mga poste ng kuryente, napinsala rin ang isang solar streetlight na pag-aari ng lokal na pamahalaan ng Bayombong.

--Ads--

Nagdulot ito ng pansamantalang brownout sa mga kalapit na lugar, ngunit agad namang rumesponde ang NUVELCO upang maibalik ang suplay ng kuryente na tumagal ng humigit-kumulang apat hanggang limang oras.

Ayon kay PMaj. Ayungo, nakikipag-ugnayan na ang driver at ang kompanyang kinabibilangan nito sa lokal na pamahalaan at iba pang kinauukulan upang mapag-usapan ang pagbabayad sa mga napinsalang pasilidad at ang pagkukumpuni sa mga ito.

Wala namang ibang motorista o residente ang nadamay sa insidente, bagama’t nakaranas ng pananakit sa hita ang driver.

Samantala, sinabi ni Ayungo na bahagyang bumaba ang bilang ng mga naitatalang vehicular accident sa kanilang nasasakupan, partikular ang mga insidenteng kinasasangkutan ng mga motorsiklo.

Kabilang naman sa mga isinusulong nilang hakbang upang higit pang mapababa ang bilang ng mga aksidente, lalo na ang mga kinasasangkutan ng mga four-wheeled vehicle, ang paglalagay ng sapat na streetlights, partikular sa mga lugar na nangangailangan ng karagdagang ilaw