Ipinamalas ni Bb. Maricris Causo ang kanyang husay at kumpiyansa matapos tanghaling runner-up sa Mutya ng Cauayan 2026 bilang kinatawan ng Barangay Sillawit, patunay na kayang lampasan ang takot para maabot ang pangarap.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Causo na bagama’t nakaranas na siya ng pageant noong siya ay nasa high school pa lamang, maituturing niyang bago at mas hamon ang kanyang sinalihang kompetisyon ngayong taon dahil ito ang kanyang unang pagsabak sa isang malaking pageant.
Ayon sa kanya, naging masinsin ang kanyang paghahanda kung saan sumailalim siya sa pasarela training, question and answer practice, at physical fitness routines tulad ng pagwo-workout at jogging upang mapabuti ang kanyang kumpiyansa at pangangatawan.
Dagdag pa ni Causo, isa sa mga pinakamahirap na bahagi para sa kanya ay ang pagrampa lalo na ang pagsusuot ng mataas na takong, subalit sa tulong ng tuloy-tuloy na ensayo ay unti-unti niya itong nalagpasan.
Kuwento pa niya, halo-halong emosyon ang kanyang naramdaman nang siya ang huling tawagin para sa Top 5, ngunit naniniwala siyang ibinigay niya ang kanyang makakaya kaya’t umaasa rin siyang mapabilang sa naturang grupo.
Samantala, isa sa mga pinaka-memorable na bahagi ng kanyang pageant journey ay ang pagkakaroon ng matibay na samahan sa kanyang mga kapwa kandidata.
Ibinahagi rin ni Causo na malaki ang naitulong ng pageant sa kanyang personal growth, partikular sa pagbuo ng kanyang kumpiyansa sa sarili at pagtanggap sa kanyang mga insecurities.
Aniya, ang kanyang pagsali sa pageant ay naimpluwensyahan ng mga taong nakapaligid sa kanya, lalo na ng kanyang kasintahan, pamilya, at mga kaibigan na patuloy na sumuporta at nag-udyok sa kanya na subukan ang naturang larangan.
Sa kasalukuyan, nagtatrabaho si Causo bilang isang receptionist at nagsisilbi ring tutor sa mga bata sa kanyang libreng oras.
Bukod dito, isinusulong niya ang kanyang adbokasiya na pagbibigay-boses at inspirasyon sa mga anak ng solo parent, na aniya’y malapit sa kanyang puso dahil siya mismo ay lumaki sa isang single mother.
Para naman sa kanyang hinaharap, bukas si Causo sa posibilidad na sumali pa sa mas malalaking pageant kung ito ay naaayon sa kalooban ng Diyos.
Samantala, hinihikayat naman niya ang mga nagnanais sumali sa pageantry na huwag hayaang manaig ang takot at pagdududa sa sarili, bagkus ay gamitin ito bilang plataporma upang makapagbigay inspirasyon sa iba.
Nagpasalamat din siya sa kanyang pamilya, mga kaibigan, trainers, at lahat ng sumuporta sa kanya sa kanyang naging paglalakbay sa Mutya ng Cauayan 2026.







