--Ads--

Mas pinaigting ni Miss Jarina Sandhu ang kanyang paghahanda bilang kinatawan ng Cauayan City sa Binibining Pilipinas 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, ibinahagi ni Sandhu na mas pinagtutuunan niya ngayon ng pansin ang pagpapahusay ng kanyang communication skills, lalo na sa pagiging mas vocal sa pagbibigay ng kanyang opinyon sa iba’t ibang usapin.

Ayon sa kanya, aminado siyang noon ay nahihiya siyang magsalita at magpahayag ng sariling pananaw dahil sa takot na ma-judge, ngunit ngayon ay natutunan na niyang gamitin ang kanyang boses upang makapagbigay inspirasyon sa iba.

Bukod dito, inihayag din niya na sumailalim siya sa physical preparation gaya ng regular na pagpunta sa gym upang mapalakas ang kanyang kumpiyansa sa sarili, gayundin ang paghahanda sa kanyang mental at emotional health bilang pagharap sa posibleng positibo at negatibong komento mula sa publiko.

--Ads--

Dagdag pa ni Sandhu, isa rin sa kanyang naging hamon ay ang pag-aadjust sa kanyang body clock at pananatili sa Maynila, kung saan kinakailangan niyang malayo sa kanyang pamilya, kaibigan at mga churchmates.

Sa kabila nito, nagpapasalamat siya sa patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan ng Cauayan City, kabilang si Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr., pati na rin ang kanyang mga handlers na hindi siya pinapabayaang maramdaman ang pag-iisa.

Samantala, sinabi rin ng beauty queen na hindi niya kinukumpara ang sarili sa ibang kandidata, bagkus ay nakatuon siya sa sariling pag-unlad, kung saan ang kanyang karanasan sa mga nakaraang pageant ang nagsisilbing kanyang lakas.

Aminado rin si Sandhu na nakakatanggap siya ng ilang negatibong komento, ngunit ginagawa niya itong inspirasyon upang mas pagbutihin pa ang kanyang performance sa kompetisyon.

Sa huli, taos-puso siyang nagpasalamat sa mga taga-Isabela at Cauayan sa kanilang walang sawang suporta at hiniling na ipagpatuloy ang panalangin para sa kanyang tagumpay sa pambansang patimpalak.