--Ads--

Ibinahagi ng Miss Universe Organization nitong Biyernes ang bagong korona na isusuot ng magwawagi sa ika-75 edisyon ng Miss Universe.

Tinawag na “The Radiance of an Eternal Legacy,” ipinakita ang korona sa pagpupulong ng mga delegado ng 2026 edition sa San Juan, Puerto Rico, kabilang ang Philippine bet na si Bea Millan-Windorski.

Gawa ito sa 18-karat white gold at pinalamutian ng 3,150 diamonds. Dinisenyo ito ng jewelry designer na si George Wittels katuwang ang Paris-based fine jewelry house na Maison d’OR.

Hango ang disenyo sa 75-taong kasaysayan ng pageant at sa pamana ng mga nagdaang Miss Universe titleholders.

--Ads--

Sa likod ng korona ay nakahulma ang numerong “75,” habang ang tatlong pangunahing diyamante sa harap ay sumisimbolo sa nakaraan, kasalukuyan at hinaharap ng kompetisyon.

Ang kaliwang diyamante ay kumakatawan sa mga kababaihang nagbukas ng daan para sa iba, ang kanan ay para sa mga babaeng naging instrumento ng pagbabago sa kanilang komunidad, at ang gitnang diyamante ay sumisimbolo sa mga kababaihang magpapatuloy sa pamana ng Miss Universe.

Inaasahan namang malalaman sa November 24 kung sinong kandidata ang magsusuot ng bagong korona at magtataglay ng ika-75 Miss Universe title.