Reunited sa entablado ang BigBang sa Coachella Valley Music and Arts Festival 2026, na naging hudyat ng kanilang pagbabalik matapos ang ilang taon ng hiatus.
Ang grupong BigBang ay binubuo nina G-Dragon, Taeyang, at Daesung, na naghatid ng matinding kasiyahan sa mga manonood sa kanilang mga sikat na awitin tulad ng “Fantastic Baby,” “Bang Bang Bang,” “Sober,” “A Fool of Tears,” “Loser,” “Let’s Not Fall in Love,” at “Haru Haru,” bukod sa iba pa.
Nagkaroon din ng solo performances ang mga miyembro, kung saan nagtanghal si Taeyang ng “Ringa Linga,” habang pinasabog ni G-Dragon ang entablado sa “Power.” Nagpakita rin ng kakaibang sorpresa si Daesung sa kanyang trot performance.
Samantala, hindi na kasama sa grupo si T.O.P matapos itong umalis noong 2023. Sa isang panayam noong 2025 kaugnay ng kanyang pagganap sa “Squid Game” Season 2, sinabi niyang umalis siya sa grupo dahil sa pakiramdam niyang hindi na siya karapat-dapat manatili.
Umalis naman si Seungri noong 2019, at noong 2021 ay nahatulan siya kaugnay ng mga kasong may kinalaman sa prostitusyon at iba pang alegasyon na kaugnay ng sex at drug scandal.
Ang BigBang ay nag-debut noong 2006 sa ilalim ng YG Entertainment, at patuloy na kinikilala bilang isa sa mga pinaka-maimpluwensyang K-pop group sa mundo.











